Pages

Sunday, August 31, 2014

Mahalin Natin ang Ating Wika

Huling araw ngayon ng Agosto. Bago magsara ang buwan na ito na tinaguriang Buwan ng Wika, marapat lamang na ilaan ko ang puwang na ito para ibahagi ang aking pananaw ukol sa ating pambansang wika.

Nakakalungkot isipin na kahit hindi pa mataas ang ating kahusayan sa ating sariling wika ay gumagawa ng mga pagbabago sa edukasyon na maaaring masmakapagpahina ng ating kasanayan sa wikang Filipino. Hindi ako sang-ayon na ilipat ang mga asignaturang Filipino mula sa kolehiyo patungong K12. Ang ating pag-iisip ay lumalalim kasabay ng ating pagtanda. Ang pag-unawa ng isang mag-aaral habang siya ay nasa mataas na paaralan ay hindi kasing lawak ng kung siya ay nasa kolehiyo na. Kaya marapat lamang na panatiliin pa rin ang wikang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo para maslumalim ang pagpapahalaga at pagtangkilik ng bawat Pilipino dito.

Ayon nga sa ating pambansang bayani, “ang hindi magmahal sa sariling wika, daig pa ang hayop at malansang isda.” Bakit kaya itinulad ni Rizal sa isang malansang isda ang gayong Pilipino? Sa aking pananaw, ang malansang isda ay sumasagisag sa kabulukan ng pagka-Pilipino ng isang tao. Sa patuloy na pagbabago sa ating wika, makikita rin natin ang pagbabago sa ating lipunan. Likas na masiyahin ang mga Pinoy kung kaya naman sari-saring salitang nakapagpapasaya ang nalilikha natin. Dahil sa paglaganap din ng “call center industry” sa Pilipinas, mas naging marubdob ang pagnanasa nating paghusayin ang pagsasalita sa wikang Ingles. Wala namang masama sa pagbabago basta’t hindi natin lilimutin at pababayaan ang sariling atin. Kung lalamunin tayo ng paurong na pagbabago ay totoo ngang mabubulok ang ating pagka-Pilipino.

Natalakay dati sa Sikolohiya ng Wikang Filipino ang salitang “kita” na ginagamit sa mga pangungusap tulad ng “Mahal kita,” at “Aalagaan kita.” Ang salitang ito ay walang direktang pagsasalin sa ibang wika. Iba ito sa mga salitang Ingles na “we” at “us.” Ang salitang “kita” ay sumasalamin sa maipagmamalaking katangian nating mga Pilipino. Ito ay ang pakikipagkapwa-tao. Likas sa atin na iugnay ang ating sarili sa ating kapwa. Ang kamalayan sa kaugnayan ng wika sa ating kultura ay makakatulong para maspahalagahan natin ito. Masmasarap namang marinig o mabasa ang "Gusto kita" kaysa "Me gusto u."

Napakaganda ng ating wika. Minsan naiisip ko kung bakit may mga Pilipinong ninanais pang magmukhang katawa-tawa sa baluktot nilang pag-Iingles samantlang kaya naman nilang ipahayag ang kanilang saloobin sa wikang Filipino. Iniisip kaya nilang magmumukha silang mayaman, edukado, at kagalang-galang sa asal nilang yaon? Kung ganon nga, sila ay mabuting halimbawa ng mga malalansang isda. Pasintabi po mga kabayan! Sino pa ba ang magpapa-alalahanan kundi tayo ring magkakapwa-Pilipino. 

Ipagmalaki natin ang ating pagka-Pilipino. Mahalin natin ang ating sariling wika.



No comments:

Post a Comment